-- Advertisements --

Mahigpit na magpapatupad ng mas pinalakas na seguridad ang Philippine National Police (PNP) para sa tatlong araw na tigil-pasada ng ilang mga grupo ng tsuper ngayong linggo.

Ayon kay PNP Acting Chief PLtGen. Kose Melencio Nartatez Jr., ang pagpapaigting ng seguridad ay upang matiyak na magiging mapayapa at maayos ang transport strike matapos na makapagtala ng ilang karahasan sa ibang mga lugar sa Kalakhang Maynila.

Ayon kay Nartatez, bagamat ginagalang at nirerespeto nila ang mga karapatan ng nga tsuper na magkasa ng ganitong mga programa ay dapat din aniyang alalahanin ang karapatan ng mga commuters na hindi sana maabala papunta sa kani-kanilang mga destinasyon.

Samantala, kasabay naman nito ay initusan na ni Nartatez ang mga police commanders na tiyaking mas palalakasin pa ang police visibility sa kanilang mga lugar at panatilihing bukas ang komunikasyon sa mga lokal na pamahalaan para sa mabilis na pagpapakalat ng kanilang police assets kung sakali mang may mga maitalang stranded passengers.