-- Advertisements --

Inanunsyo ng League of Provinces of the Philippines (LPP) na mas marami pang vaccinators at encoder ang kailangan para sa National Vaccination Day sa darating na Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Ayon kay LPP president at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., dati pa sila humihingi ng tulong sa Department of Health at maging sa pribadong sektor na bigyan sila ng marami pang volunteers para sa tatlong araw na vaccination drive.

Tatawagin ang nasabing event na “Bayanihan, Bakunahan” na naglalayong makapagbakuna ng 5 million jabs kada araw o kabuuang 15 million jabs.

Iginiit ni Velasco na labis na kailangan ang maraming magtuturok ng bakuna kasi mahirap naman talaga kapag kinulang sa manpower kung napakarami ang dapat na mabakunahan.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan aniya ang mga local government units (LGUs) sa national government para sa kanilang mga kailangan sa kampanyang ito tulad na lamang ng sapat na supply ng bakuna at ang pagkakaroon ng ultra low storage facilities.

Bukod dito, sinabi ni Velasco na ang mga LGUs ay magpapatupad ng iba’t ibang istratehiya para makahikayat ng marami pang mga tao na magpabakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) tulad na lamang nang pagbibigay ng pagkain at service papuntang vaccination sites.

Sa katunayan, sa kanila sa Marinduque ay nagpapadala sila ng magsusundo sa mga nakatira na malayo sa mga vaccination sites para lamang matuloy na ang pagpapabakuna ng mga nakatira roon.

Kagabi, umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga LGU na magbigay ng meryenda sa kanilang mga constituents na magpapabakuna kontra COVID-19.