-- Advertisements --

Mas marami pang mga Pilipino ang handang magpabakuna kontra COVID-19 pandemic, base sa resulta ng latest Social Weather Stations (SWS) survey.

Sa survey na isinagawa noong Hunyo 23 hanggang 26, natukoy ng SWS na umakyat na sa 45 percent ang bilang ng mga Pilipinong nais nang magpaturok ng COVID-19.

Bagama’t kapos ito sa 50 percent, sinabi ng SWS na malaking improvement na ito sa numerong naitala isang buwan ang nakalipas.

Magugunita na noong Mayo, base sa inilabas na kaparehong survey ng SWS, natukoy na 32 percent ng mga Pilipino lamang ang willing na mabakunahan.

Samantala, ang percentage naman ng mga respondents na hindi pa tiiyak kung sila ba ay magpapabakuna o hindi ay bumaba rin, mula sa 35 percent noong mayo ay naging 24 percent na lamang noong Hunyo.

Gayunman mayroon pa ring 21 percent na ayaw talaga magpabakuna, pero maging ito ay mas mababa rin kung ikukumpara naman sa 33 percent na naitala noong Mayo.

Pinakamataas na willingness sa pagpapabakuna ang naitala sa Metro Manila sa 49 percent.

Sinundan ito ng Luzon sa 46 percent, Mindanao sa 42 percent, at Visayas sa 41 percent.

Sa Metro Manila din naitala ang pinakamababang bilang ng mga Pilipino na ayaw magpabakuna, habang ang pinakamataas naman sa Visayas sa 31 percent, sunod sa Mindanao sa 23 percent, at Luzon sa 20 percent.

Sa Mindanao naman naitala ang pinakamaraming bilang ng mga Pilipinong hindi pa tiyak kung sila ay magpapabakuna o hindi, na sinundan ng Balance Luzon, Visayas, at Metro Manila.