-- Advertisements --

Nanawagan ang Manila Electric Company (Meralco) sa pamahalaan na magtakda ng malinaw na teknikal na pamantayan para sa rooftop solar equipment at higpitan ang regulasyon laban sa tinatawag na “guerrilla” installations, kasabay ng patuloy na pagdami ng gumagamit ng solar energy sa bansa.

Sa isang pagdinig sa Senado, sinabi ni Lawrence Fernandez, bise presidente at head ng Utility Economics ng Meralco, na sinusuportahan nila ang mga panukalang amyenda sa Renewable Energy Act upang mapabilis at mapadali ang net metering program. Kabilang dito ang pagbibigay ng mas malinaw na kapangyarihan sa Energy Regulatory Commission (ERC) na tukuyin ang saklaw ng programa at ayusin ang proseso ng pagkuha ng permit.

Ayon sa Meralco, mayroon na itong mahigit 20,000 net metering installations na may kabuuang kapasidad na lampas 170 megawatts. Gayunpaman, tinatayang may karagdagang 370 megawatts ng solar capacity ang naitayo ng malalaking komersyal na establisimyento sa labas ng programa, dahilan upang umabot sa higit 500 megawatts ang kabuuang rooftop solar sa kanilang nasasakupan.

Sa kabila ng paglago ng sektor, iginiit ni Fernandez ang pangangailangan ng mas mahigpit na pamantayan para sa mga solar equipment. Hinimok niya ang Department of Energy (DOE) at Department of Trade and Industry (DTI) na maglatag ng pormal na standards, partikular sa mga inverter at iba pang kagamitan, gayundin ng kwalipikasyon para sa mga installer.

Nagbabala rin ang Meralco sa pagdami ng “guerrilla” solar installations—mga sistemang hindi dumaan sa kaukulang permit at safety inspection mula sa lokal na pamahalaan.

Batay sa datos ng Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC), tinatayang nasa isang-katlo ng rooftop solar units sa Meralco franchise area ang hindi rehistrado. Iminungkahi ng kumpanya na isama sa mga panukalang batas ang mga probisyon kung paano maisasaayos at mare-rehistro ang mga naturang instalasyon upang matiyak ang kaligtasan at maayos na regulasyon ng industriya.