-- Advertisements --

Nagsagawa ng kauna-unahang jetski flag ride ang civil society coalition na ”Atin Ito” sa karagatan malapit sa Pag-asa Island nitong Linggo, bilang bahagi ng ikaapat nitong civilian mission sa West Philippine Sea (WPS).

Pinangunahan ni Akbayan Rep. Dadah Kiram Ismula ang aktibidad, na ayon sa grupo ay sumisimbolo nang soberanya ng Pilipinas sa nasabing lugar.

Ayon sa Atin Ito, nagsimula ang misyon bandang alas-5:40 ng umaga kung saan sumakay sa rubber boat ang maliit na grupo ng mga boluntaryo bago isinagawa ang jetski ride. Matagumpay umano nilang naitaas ang watawat ng Pilipinas sa Pag-asa Cay 2 sa kabila ng “mabigat na presensiya ng China” sa lugar.

Samantala, iniulat ng Reuters na inakusahan ng China ang Pilipinas ng ilegal na pagpasok sa pinagtatalunang karagatan. Ayon sa China Coast Guard, limang Pilipino umano ang namataang lumapag sa nasabing lugar.

Sa panig ng Pilipinas, sinabi ng mga awtoridad na nagpadala sila ng coast guard personnel matapos makatanggap ng ulat na may mga Chinese personnel na unang nagtaas ng bandila sa sandbar. Binantayan din umano ang presensya ng mga barko ng China na pinaghihinalaang nagsasagawa ng ilegal na pananaliksik sa loob ng Philippine waters.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng ”Atin Ito” na isang barko ng People’s Liberation Army Navy—isang Jiangkai II-class frigate, ang lumapit sa kanilang grupo habang isinasagawa ang aktibidad.

Ayon sa grupo, umabot sa tinatayang 1,000 yarda ang lapit ng naturang barko sa ML Chowee, ang sasakyang-dagat na nag-deploy ng jetski mula sa MV Kapitan Oca. Lumapit din umano ito sa layong dalawang nautical miles mula sa Pag-asa Island.

Nagsimula noong Abril 30 ang civilian mission ng Atin Ito at tatagal naman hanggang Mayo 5. Kabilang sa kanilang mga aktibidad ang pamamahagi ng pagkain at gasolina, medical outreach, cultural events, at island tours.