Nilinaw ni Executive Secretary Ralph Recto na walang kinalaman sa pulitika ang pagkakaantala ng pamamahagi ng ayuda sa ilang barangay sa Batangas, kundi dahil sa kakulangan umano ng mga kinakailangang dokumento para sa auditing requirements.
Ito ay tugon sa alegasyon ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na may mga barangay na hindi pa natatanggap ang kanilang P200,000 na pondo sa ilalim ng programang ‘Bawat Barangay Makikinabang.’
Paliwanag ng Executive Secretary na kaya hindi pa nakatatanggap ng pondo ang ilang Barangay ay dahil hindi pa nakukumpleto ang mga kinakailangang dokumento na hinihingi ng Commission on Audit (COA).
Sa ilalim ng programa, bawat isa sa humigit-kumulang 42,000 barangay sa bansa ay makakatanggap ng P200,000 na pondo para sa mga proyekto tulad ng streetlights, CCTV, at emergency facilities, at suporta pang-edukasyon para sa mga graduating college students.
Ayon pa sa opisyal, karamihan ng barangay sa Batangas ay nakatanggap na ng ayuda, habang ang natitira ay ilalabas kapag kumpleto na ang mga kinakailangang dokumento.
Binigyang-diin ni Recto na dapat iwasan ang paggamit ng mga government assistance program bilang isyu sa pulitika, at iginiit na ang tulong ng gobyerno ay karapatan ng bawat Barangay.














