Nanindigan ang defense team ni VP Sara Duterte na ang ‘probable cause’ na nakita ng House Justice Committee sa dalawang impeachment complaints ay hindi nangangahulugang ‘guilty’ na ang pangalawang pangulo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Michael Poa, spokesperson ng defense panel, binigyang-diin niyang ang pagkakahanap ng probable cause ay nangangahulugan lamang na pinili ng committee members na ituloy o i-tansmit ang kaso sa plenaryo.
Hindi aniya ito nangangahulugang may guilt, may liability, o may pagkakasala ang pangalawang pangulo.
Hindi na rin aniya nakakagulat ang desisyon ng komite, lalo at inaasahan na rin ng kampo ng pangalawang pangulo na itutuloy talaga ang kaso sa full trial sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Sa kabilang banda, nananatili ang paninindigan ng defense team na hindi akma at hindi ligal ang mga serye ng pagdinig na ginawa ng justice panel sa impeachment case laban sa Bise Presidente.
Maaalalang inabot ng apat na hearing bago tuluyang bumoto ang mga miyembro ng komite at nakitaan ng probable cause ang dalawang reklamo laban kay VP Sara.
Ayon kay Poa, patuloy na pinapanindigan ng panel ang posisyon nito na una na ring ipina-abot sa Korte Suprema sa pamamagitan ng isang petisyon para ipatigil ang mga pagdinig.















