Iniutos ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pagsibak sa serbisyo ng 11 police officers na umano’y konektado sa missing sabungeros case kaugnay sa hiwalay na umano’y mga insidente ng pagdukot noong 2021.
Sa isang statement, nakitaang may administratibong pananagutan ang 11 pulis mula sa Regional Drug Enforcement Unit of the National Capital Region Police Office (RDEU-NCRPO) sa dalawang bilang ng Grave Misconduct at dalawang bilang ng Conduct Unbecoming of a Police Officer.
Ang mga pulis na napatunayan ng Commission En Bnc na liable ay sina Police Lieutenant Colonel Ryan Jay E. Orapa, Police Major Mark Phillip S. Almedilla, Police Senior Master Sergeant Mark Anthony A. Manrique, Police Staff Sergeant Edmon H. Muñoz, Police Staff Sergeant Robert Allan E. Raz, Jr., Police Staff Sergeant Denar S. Roda, Police Corporal Alric M. Natividad, Police Corporal Reynaldo G. Seno, Jr., Police Corporal Ronald John V. Lanaria, Patrolman Rufino Miguel D. Panghulan, at Patrolman Develyn M. Tapalla.
Ayon sa NAPOLCOM, nag-ugat ang kaso sa mga reklamong nauna nang idinulog sa komisyon nina Milagros Estacio at Elizabeth Sotto noong Setyembre 3, 2025, kung saan itinuro nila ang nasabing police officers na sangkot sa pagdukot ng kanilang mga anak na lalaki sa ikinasang magkahiwalay na anti-drug operations noong 2021.
Sa isa namang press briefing sa NAPOLCOM, ibinahagi ng mga complainant ang posibleng ugnayan sa pagitan ng mga kaso at napaulat na pagkawala ng ilang sabungeros na nagbunsod sa komisyon na magsagawa ng mas malalimang imbestigasyon.
Lumalabas naman sa record na noong Pebrero 17, 2021 sa Maynila, dinukot umano ng mga respondent si Dane Mark Carlos, habang noong Marso 24, 2021 sa Las Piñas City, dinukot din si Charles Dean Sotto.
Ayon sa NAPOLCOM, ang ganitong mga aksiyon ay nagpapakita ng seryosong paglabag sa Memorndum Circular No. 2016-002 ng komisyon na iniuuri ang kidnapping bilang Grave Misconduct gayundin bilang Conduct Unbecoming of a Police Officer.















