-- Advertisements --

LEGAZPI CITY — Nagbuga ng malaking volume ng abo ang Bulkang Mayon nitong Sabado, Mayo 2, 2026.

Ayon kay PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nangyari ang insidente bandang alas-4:28 ng hapon matapos ang lava effusion sa summit ng bulkan na nagdulot ng collapse at nag-generate ng pyroclastic density currents (PDCs).

Partikular na bumaba ang PDCs sa Mi-isi Gully sa southwestern slopes ng bulkan, na tinatayang umabot sa 4 kilometro ang haba. Ito umano ang pinakamalaking PDCs na naitala mula sa huling pagputok ng Bulkang Mayon.

Nagbabala si Dr. Bacolcol na kung umabot sa 6 kilometro ang abo, maaaring maapektuhan ang mga karatig komunidad, lalo na ang mga kababayang may kumplikasyon sa baga at mga buntis.

Dahil dito, muling pinaalalahanan ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6 km Permanent Danger Zone (PDZ).

Sa kasalukuyan, nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, indikasyon ng patuloy na magmatic unrest at posibilidad ng mas mapanganib na pagputok.

Pinapayuhan ang lahat ng residente na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan at ng PHIVOLCS.