LEGAZPI CITY – Umabot na sa 52 barangay ang apektado ng ashfall bunsod ng patuloy na pagtaas ng aktibidad ng Bulkang Mayon, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Sabado, Mayo 2, 2026.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), magkakasunod na volcanic activity ang nagdulot ng makapal na abo na tumakip sa iba’t ibang bahagi ng Albay.
Bandang alas-4:28 ng hapon, nagkaroon ng lava collapse sa summit ng bulkan na nag-generate ng pyroclastic density currents (PDCs) partikular sa Mi-isi Gully sa southwestern slopes. Tinatayang umabot sa 4 kilometro ang inilabas na PDCs, na itinuturing na pinakamalaki mula sa huling pagputok ng Mayon.
Ayon kay PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol, nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan, indikasyon ng magmatic unrest at posibilidad ng mas mapanganib na pagputok. Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6 km Permanent Danger Zone (PDZ).
Pinapayuhan ang mga residente na manatili sa loob ng bahay kung may ashfall, gumamit ng protective masks, at tiyaking nakatakip ang pagkain at tubig upang maiwasan ang kontaminasyon.
Sa kasalukuyan, patuloy ang koordinasyon ng OCD, PHIVOLCS, at lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Ang mga barangay na apektado ng ashfall ay kabilang sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, Daraga, at Legazpi City, kung saan nakapuwesto na rin ang mga volunteers at disaster response teams para sa agarang tulong.
















