-- Advertisements --

Nagpaliwanag na si Joy Barcoma kaugnay ng isyung pangbu-bully na kamakailan ay iniugnay sa kanyang pangalan, na aniya ay nag-ugat pa sa isang insidente noong siya ay nag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines.

Sa isang panayam, ibinahagi ng Miss Philippines Earth 2025 na nagkaroon siya noon ng alitan sa isang kaklase sa kolehiyo. Bagama’t matagal nang nangyari ang insidente, muling nabuhay ang usapin matapos kumalat ang isang blind item noong Marso na umano’y tumutukoy sa kanya.

Ayon kay Barcoma, higit na nakaapekto sa kanya ang naging paglalarawan ng isyu sa social media kaysa sa mismong paratang. Aniya, tila hindi naging seryoso ang pagtingin ng ilan sa usapin ng bullying dahil sa paraan ng pagkakalahad nito online.

Inamin din niya na maaaring nakaambag ang kanyang “dogshow” o mapagbiro at palaban na personalidad sa social media sa maling interpretasyon ng publiko.

Gayunpaman, iginiit niyang hindi niya minamaliit ang bullying at nais niyang maging boses para sa mga nakaranas ng karahasan, pang-aabuso, at pangungutya.

Kasabay nito, binigyang-diin ni Joy na hindi rin dapat abusuhin ang paggamit ng salitang “bullying,” lalo na kung ito ay ginagamit lamang kapag may gumaganti o sumasagot sa pambabatikos.

Si Joy ay naging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Earth 2025 kung saan nagtapos siya sa Top 8. Nakilala rin siya sa social media dahil sa kanyang nakakatawa at relatable na mga post.