-- Advertisements --

Ipinaliwanag ni Miss Philippines Earth 2025 Joy Barcoma ang dahilan kung bakit hindi siya nakadalo at nakapag-farewell walk sa ginanap na coronation night ng Miss Philippines Earth sa Bukidnon.

Sa kanyang panayam nitong Miyerkules, sinabi ni Joy na nakahanda na ang lahat para sa kanyang pagpunta sa coronation, kabilang ang kanyang flight, accommodation, at makeup artist.

Aniya, ilang buwan din siyang nakikipag-ugnayan sa pageant manager bilang paghahanda sa naturang programa.

Gayunpaman, sinabi ni Joy na mismong sa araw ng paglipad ng iba pang reigning queens ay ipinaalam sa kanya na hindi na niya kailangang tumuloy dahil hindi na umano kailangan ang kanyang presensya sa coronation night.

Sa kabila nito, iginiit ng beauty queen na nirerespeto niya ang naging desisyon ng organisasyon at hindi na niya ito kinuwestiyon.

Ibinahagi rin ni Barcoma na una siyang sinabihang walang farewell walk para sa lahat ng reigning queens. Ngunit kalaunan ay nalaman niyang nabigyan ng pagkakataon ang iba pang titleholders matapos umano itong hilingin sa may-ari ng Miss Philippines Earth na si Lorraine Schuck.

Aminado si Barcoma na nalungkot siya dahil ang farewell walk ay isa sa mga pinakahihintay na bahagi ng pagtatapos ng isang beauty queen.

Sa kabila nito naging positibo na lang daw siya kung saan hindi raw natatapos ang kanyang tungkulin bilang Miss Philippines Earth sa kabila ng pagtatapos ng kanyang reign.

Tinanong din si Joy tungkol sa naging social media post ni Miss Philippines Earth Brand Manager Astrud Schuck hinggil sa umano’y paglabag nito sa kontrata.

Ayon sa beauty queen, nalaman lamang niya ang tungkol dito mula sa kanyang mga kaibigan.

Bagama’t inakala niyang maaaring siya ang tinutukoy sa naturang post, sinabi ni Barcoma na wala namang direktang nakipag-usap sa kanya mula sa organisasyon tungkol sa anumang paglabag sa kanyang kontrata.

Dagdag pa niya, nagpadala siya ng mensahe kay Lorraine Schuck upang ipabatid na nauunawaan niya kung hindi na siya kinakailangang dumalo sa coronation. Gayunman, bagama’t nakita ang kanyang mensahe, hindi na umano ito nasagot.

Sa kabila ng nangyari, nilinaw ni Jot na wala siyang sama ng loob laban sa Miss Philippines Earth organization. Aniya, may manager pa ng organisasyon ang nakipag-ugnayan sa kanya upang pasalamatan siya sa kanya at sa mga naging kontribusyon nito.