-- Advertisements --

Naka-high alert na ang Philippine Red Cross (PRC) matapos ang biglaang pagtaas ng aktibidad ng Bulkang Mayon nitong Sabado.

Ayon sa ulat, bandang 4:28 PM ay nagkaroon ng lava collapse na nagdulot ng rockfalls at ashfall sa mga kalapit na lugar.

Sinundan ito ng Strombolian activity alas 4:50 PM, at pagsapit ng 6:00 PM, nakapagtala ng pyroclastic density currents (PDCs) sa Mi-isi Gully sa timog hanggang timog-kanlurang bahagi ng bulkan.

Kasabay nito, nakapuwesto na ang mga RC143 volunteers sa Camalig, Guinobatan, Legazpi City, at Daraga upang magbigay ng real-time na dokumentasyon at updates sa operations center. Patuloy ang koordinasyon ng PRC sa mga lokal na awtoridad at disaster response agencies para matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa Bicol.

Nagbabala ang PRC sa mga komunidad na huwag pumasok sa mga danger zone, lalo na sa mga daluyan ng ilog at gullies na maaaring daanan ng mabilis na daloy ng mainit na gas at debris.

Pinapayuhan din ang mga mamamayan na manatili sa loob ng bahay kung may ashfall, gumamit ng protective masks, at tiyaking nakatakip ang pagkain at tubig upang maiwasan ang kontaminasyon.

Samantala, ang Bulkang Kanlaon ay nagbuga naman ng abo mula sa summit crater bandang 1:25 PM nito ring Sabado.

Ayon sa PHIVOLCS, umabot sa 700 metro ang taas ng plume bago ito lumipad patungong kanluran-timogkanluran.

Nanatili sa Alert Level 2 ang Kanlaon, na nangangahulugang may moderate unrest ngunit wala pang indikasyon ng malawakang pagputok.