-- Advertisements --

Pinatitigil ng Department of Transportation (DOTr) ang Transport Network Vehicle Service (TNVS) at motorcycle taxis na tumanggap ng mga bagong tsuper at riders o tinatawag na “onboarding” matapos lumagpas sa itinakdang limit na bilang sa ilang kumpaniya.

Sa inilabas na memorandum, inatasan ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipatigil ang ginagawang onboarding maliban sa mga may valid na prangkisa.

Gayundin, ipinagbawala na ang on-the-spot at same-day onboarding activities ng mga tsuper nang walang pahintulot mula sa LTFRB.

Ginawa ng DOTr ang naturang hakbang matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang imbestigasyon sa pag-abuso ng ilang mga Transport Network Companies (TNCs) dahil sa paglagpas sa maximum limit ng mga tsuper na maaaring i-onboard, na nagresulta sa pagkakaroon ng tinatawag na “tempo drivers.”

Samantala, pinag-aaralan na rin ng DOTr Chief ang posibleng parusa at multa sa mga TNC at Motorcycle taxis na mapapatunayang lumabag sa itinakdang limit sa onboarding.