-- Advertisements --

Sisimulan nang talakayin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga nakabinbing petisyon ng ilang transport groups para sa taas pasahe.

Ayon kay LTFRB chairperson Atty. Vigor Mendoza, kasalukuyang pinag-aaralan na ng ahensiya ang kaukulang taas sa pamasahe para sa dyip, pampasaherong bus, utility van express, taxis at motorcycle taxis.

Aniya, bubuo sila ng rekomendasyon sa lalong madaling panahon.

Matatandaang nauna nang naatasan ang ahensiya na muling kwentahin ang mga fare adjustment base sa inihaing petisyon ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide para taasan ang minimum fare ng P10.

Liban dito, pinag-aaralan na rin ng ahensiya ang mga petisyong inihain ng apat pang grupo.

Tiniyak naman ni Mendoza na magpapasya sila nang naaayon sa interes ng public utility vehicle sector kaakibat ng pagtiyak na protektado ang kapakanan ng mga komyuter at publiko.

Ang pag-aaral sa taas pasahe ay sa gitna ng pagsipa ng operational costs ng transport sector kasunod ng serye ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng panibagong tensiyon sa Middle East.