HONGKONG
HK protests

CAUAYAN CITY – Magkakaroon ng mas malawakang kilos protesta ang mga Hong Kong national laban sa isinusulong ng mga mambabatas na Extradition Bill bukas, June 16, 2019, araw ng Linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Maribel Quesada, limang taon nang overseas Filipino worker (OFW) sa Kowloon, Hong Kong at tubong Cabatuan, Isabela, inaasahang mas malawak ang isasagawang rally bukas.

Aniya nagpalabas ng advisory ang Philippine Consulate General sa mga OFW’s na huwag munang lumabas bukas upang hindi madamay kapag nagkaroon ng kaguluhan sa kilos protesta.

Samantala, inihayag pa ni Quesada na nagsara na ang mga negosyo sa mga lugar kung saan nagaganap ang mga kilos protesta.

Ang mga may-ari anya ng mga nagsarang negosyo ay sumama sa rally para tutulan ang pagpasa ng mga mambabatas sa Extradition Bill.