Mas kakaunting bagyo ang inaasahang tatama sa bansa sa panahon ng “very strong” El Niño, ngunit ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posibleng mas mapaminsala ang mga bagyong mabubuo.
Ayon kay Ana Liza Solmoro-Solis, hepe ng Climate Monitoring and Prediction Section (CLIMPS) ng Climatology and Agrometeorology Division (CAD) ng PAGASA, bagama’t bumababa ang bilang ng bagyo tuwing umiiral ang matinding El Niño, tumataas naman ang posibilidad na mas malakas at mas mapanganib ang mga ito.
Sa kasalukuyan, wala pang umiiral na El Niño sa bansa, ngunit inaasahan ng PAGASA na maaaring maranasan ang “very strong” El Niño pagsapit ng huling quarter ng 2026.
Ang El Niño ay isang natural na phenomenon na nagdudulot ng pag-init ng temperatura sa karagatang Pasipiko, na may malaking epekto sa klima ng Pilipinas. Kadalasan, nagreresulta ito sa mas matagal na tagtuyot, mas kakaunting ulan, at pagbabago sa pattern ng pagbuo ng bagyo.
Dahil dito, pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko at mga lokal na pamahalaan na maghanda sa posibleng epekto ng mas malalakas na bagyo, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng kalamidad.
















