Hinigpitan ni Sen. Panfilo Lacson ang ilang mga panuntunan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa maanomalyang sa flood control scandal.
Sa unang hearing na pag-upo ni Sen. Lacson bilang chairman ng komite ngayong Setyembre 18, inilatag ng Senador ang ilang mas mahigpit na panuntunan tulad ng pagsunod sa limang minutong pagtatanong ng bawat Senador kung saan hindi ibibilang dito ang sagot ng mga resource person.
Mahigpit ding sinunod ng Committee chair ang isang follow-up question para sa bawat Senador na sisingit habang nagtatanong ang kapwa Senador.
Kung susundan pa ito ng isa pang katanungan, ibabawas na ito sa oras ng kasalukuyang nagtatanong na Senador.
Ayon pa kay Lacson, mahigpit na susundin ang karapatan sa legal representation ng bawat resource person. Ngunit hinding-hindi papayagan aniya ang mga ito na sumagot o makipagsagutan sa mga Senador.
Hindi rin pinayagan ang pagsisilbi ng pagkain sa loob ng komite at sa halip ay binigyan lamang ang mga kalahok ng 30 minuto na lunch break.
Iginiit ni Lacson na ang pagsunod sa mga naturang panuntunan ay bahagi ng pagnanais ng komite na mabigyan ang lahat ng Senador ng pagkakataong magtanong at mailabas ang kanilang hawak na impormasyon ukol flood control anomaly, kasabay ng pagnanais ng komite na mabuksan ang serye ng anomaliya.