Hindi na papalawigin pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang validity ng martial law sa Mindanao.
Sa press briefing sa Malacanang nitong hapon lamang, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ang martial law sa Mindanao ay hanggang sa Disyembre 31, 2019 na lamang.
Ayon kay Panelo, nabuo ni Pangulong Duterte ang naturang desisyun kasunod ng assessment ng security at defense advisers nito hinggil sa paghina ng lakas ng mga terorista at extremist rebellion sa rehiyon makaraang mahuli o mapatay ang kanilang mga lider.
Ang desisyon na ito ni Pangulong Duterte ayon kay Panelo ay taliwan sa mga haka-haka ng mga aniya’y maiingay na miyembro ng minorya hinggil sa proklamasyon ng batas militar sa Mindanao dahil patunay lamang ito na tumutugon ito sa sitwasyon sa lugar.
“The Palace is confident [in] the capability of our security forces in maintaining the peace and security of Mindanao without extending Martial Law,” dagdag pa nito.
Magugunita na noong Disyembre 4 ay inirekominda ni Defense Sec. Delfin Lorenzana hindi na kailangan pa ang extension ng martial law sa Mindanao dahil kaya na nilang panatilihin ang peace and order sa lugar.
Isinailalim ang Mindanao sa martial law noong Mayo 23, 2017 matapos na umatake ang ISIS-inspired Maute Group sa Marawi City.
Simula noong 2017, tatlong beses na itong hiniling ni Pangulong Duterte sa Kongreso na palawigin ito.