-- Advertisements --

Hindi nakaranas ng intrusyon ang isinagawang ika-8 iteration ng maritime cooperation activity (MCA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika sa West Philippine Sea nitong Miyerkules, Hulyo 16.

Kasama sa mga idineploy na assets sa panig ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa naturang pagsasanay ang pinakabagong barkong pandigma ng Philippine Navy mula South Korea na BRP Miguel Malvar, AW109 helicopter, PAF Search and Rescue (SAR) asset at C-208B aircraft gayundin ang mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Cabra at BRP Suluan.

Habang nagdeploy naman ang US forces ng kanilang assets na USS Curtis Wilbur, Arleigh Burke-class guided missile destroyer at P-8A Poseidon.

Ayon kay BRP Miguel Malvar Operations Officer Lt. Commander Bryan Magura, walang anumang kakaibang aktibidad ang mga barko ng China Coast Guard 4203, People’s Liberation Army Navy (PLA-N) 646 at PLA-N 551 na namataan sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa kasagsagan ng maritime drills ng dalawang bansa.

Sinabi din ng PH commander na hindi nagsagawa ng anumang intrusyon ang mga ito na makakagambala sa pagsasagawa sa naturang pagsasanay.

Karaniwan aniya na nagpapakita ng parehong behavior ang China sa mga nakalipas na pagsasanay.

Bagamat, nilapitan aniya ng Jiangkai-class PLA-N warship 551 ang BRP Miguel Malvar sa pinakamalapit na distansiya na nasa 3 0 4 nautical miles.

Inisyuhan naman ng PCG ang naturang barkong pandigma ng China na lumapit sa mga asset ng PH at US.

Samantala, sinabi naman ni Commander Magura na napakahalaga ng isinagawang maritime cooperation activity sa pagitan ng US at Pilipinas dahil nagawa nilang mapahusay pa ang kanilang maritime domain awareness.

Isinagawa ang naturang pagsasanay sa katubigan ng Palauig, Zambales, patungo sa Cabra Island, Lubang, Occidental Mindoro.