Ngayon pa lang ay may mga agenda nang nakahanay si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kaugnay ng plano nitong pagtakbo bilang House Speaker ng susunod na Kongreso.
Sa isang panayam, sinabi ni Velasco na makakatulong ang kanyang kakaibang istilo bilang batang mambabatas para matugunan ang mandatong trabaho ng Kamara sa lehislatura.
Tiniyak ng kongresista na sakaling maluklok siya bilang leader ng Lower House, na makakatanggap ng pantay at tamang pondo ang distrito ng kanyang mga kasamahan at hindi ito tatapyasan.
Nangako rin ito na pananatilihing buo ang Kamara kahit pa nahahati ito sa district congressmen at party-list groups.
Naniniwala ang 41-anyos na kongresista na may kakayahan din ang mga nakababatang opisyal gaya niya na maging lider at halimbawa ng pagbabago.
Samantala, tikom pa rin si Velasco na magbigay ng komento sa paratang ni dating Speaker Pantaleon Alvarez laban sa kanya bilang sangkot umano sa vote buying para maging House Speaker.
Kung maaalala, naging matunog ang pangalan ng Marinduque congressman bilang susunod na lider ng Kamara dahil sa pagiging malapit nito kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio