Pinabulaanan ni Marikina City Representative Bayani Fernando na dawit ang kaniyang kumpanya na BF Corporation sa ginagawang reclamation project sa Marikina River.
Itinuturo kasing isang dahilan ni Mayor Marcy Teodoro ang nasabing proyekto kung bakit sobrang taas ng lebel ng baha na naranasan ng kaniyang syudad noong kasagsagan ng bagyong Ulysses.
Naniniwala si Teodoro na malaki ang kontribusyon sa pagbaha ng lupang itinambak sa isang section ng Marikina River malapit sa Provident Village at Sitio Olandes Industrial Valley Complex.
Ang makikinabang aniya sa naturang proyekto ay ang BF City na pagmamay-ari ni Fernando.
Subalit ayon kay Fernando, ang road dike project ng Department of Public Works and Highway (DPWH) ang dapat sisihin dito.
Giit ni Fernando na hindi ito nakadagdag sa pagbaha. Hindi raw kasi makakaharang sa tubig ang proyekto dahil ito mismo ay kasunod noong plano sa buong lugar kung saan tumulong pa ito sa paggawa.
Itinanggi naman ng DPWH na mayroon silang ginagawang reclamation project sa Marikina River.
Una nang sinabi ni Teodoro na hindi nito palalampasin ang kumpanya ni Fernando mula sa kahit anong legal liability.
Mayroon umano silang kinuhang velocity measurement ng water current. Bago raw kasi magkaroon ng BF CIty ay mabilis ang agos ng tubig na may average 2.8 meters per second ngunit ngayon ay nasa 1.9 meter per seconds na lamang.