-- Advertisements --

Nakibahagi sa 2025 midterm election ngayong Lunes ang maraming persons deprived of liberty (PDLs) mula sa iba’t ibang kulungan at penal farms sa bansa, ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).

Aabot sa 4,125 PDLs ang rehistradong botante, kung saan 2,135 ay mula sa New Bilibid Prison (NBP). Kabilang din sa mga lugar na may mga botanteng PDL ay ang Davao Prison and Penal Farm (924), Leyte Regional Prison (421), San Ramon Prison and Penal Farm (290), at Iwahig Prison and Penal Farm (140).

Mayroon ding 123 botante sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong at 92 mula sa CIW-Mindanao.

Sinabi ng BuCor na pinayagan ang pagboto ng mga PDL na kasalukuyang nililitis, tulad ng may sentensiyang kulang sa isang taon, at ang mga may kasong maaaring i-apela pa o may kaugnayan sa rebelyon, sedisyon, o mga krimen laban sa pambansang seguridad.

Samantala dinaluhan ng mga foreign observer ang botohan sa mga kulungan, sa tulong ng BuCor personnel at mga opisyal ng Comelec-Muntinlupa. Present din si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia.