Isinailalim na sa heightened alert ang buong pwersa ng Philippine Coast Guard at nakatakdang mag-deploy ng nasa 17,000 tauhan upang tiyakin ang seguridad sa mga pantalan at karagatan ngayong paparating na Holy Week.
Ayon sa pahayag ng PCG, isasagawa ang malawakang deployment mula Marso 28 hanggang Abril 5, 2026, kung saan inaasahan ang pagdagsa ng milyun-milyong Pilipinong bibiyahe sa pamamagitan ng dagat.
Ang hakbang ay direktang ipinag-utos ni PCG commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation Acting Secretary Giovanni Lopez na paigtingin ang maritime operations sa paggunita ng Kuwaresma.
Kasunod nito, inatasan ni Gavan ang lahat ng districts, stations, at substations ng Coast Guard na palakasin ang pagbabantay sa mga passenger vessels, pantalan, at nautical highways.
Mahigpit na ipatutupad ang mga pre-departure checks upang maiwasan ang overloading at matiyak na nasusunod ang mga panuntunan sa maritime safety.
Pangungunahan din ng mga K9 units at security teams ang passenger screening upang pigilan ang mga ilegal na aktibidad.
Kaugnay nito, mahigpit na pinapayuhan ang mga pasahero na huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal na bagay tulad ng flammable liquids, hazardous chemicals, paputok, at iba pang dangerous materials upang iwasan ang abala.
Bilang paghahanda sa anumang insidente, inilagay na rin sa standby ang mga search and rescue units, medical teams, at deployable response groups para rumesponde sa mga maritime emergencies.
















