MANILA – Nagmatigas ang kampo ni dating Sen. Bongbong Marcos na tanggapin ang desisyon ng Supreme Court na nagbasura sa kanyang electoral protest laban kay Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, abogado ni Marcos, hindi pa tuluyang ibinabasura ng Korte Suprema, na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), ang protesta ng natalong kandidato.
“Based on the official pronouncement made by the Presidential Electoral Tribunal today, the court unanimously voted to dismiss our second cause of action which is the manual recount and judicial revision,” ani Rodriguez.
Sa ilalim ng second cause of action ni Marcos, nagkaroon ng recount ng mga balota sa napili niyang tatlong pilot provinces na Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental.
Nakasaad sa Rule 65 ng PET na maaari nilang maging basehan ng pagbasura sa protesta ang resulta ng initial recount.
Lumabas sa ginawang recount na nadagdagan pa ng higit 15,000 boto ang agwat ng lamang ni Robredo kay Marcos.
Sa kabila nito, hindi agad nag-desisyon ang PET na ibasura ang electoral protest at hinigan ng komento ang dalawang panig sa report, pati sa ikatlong cause of action ni Marcos.
Sa ilalim ng third cause of action ng natalong kandidato, ire-review sana ang election records ng Lanao del Sur, Basilan, at Maguindanao.
Gusto kasing patunayan ni Marcos na nagkaroon ng dayaan sa tatlong probinsya.
“However, as to the issue on how to proceed with our third cause of action which is the annulment of votes in Mindanao, the Tribunal has yet to decide on the matter,” dagdag ni Rodriguez.
Sa isang press conference kanina, sinabi ni Supreme Court spokesperson Atty. Brian Hosaka na kaya ibinasura ang protesta ni Marcos ay dahil bigo ito sa kanyang ikalawang cause of action.
“Having failed in 3 pilot provinces of Camarines Sur, Iloilo and Negros Oriental, Marcos cannot seek 3rd cause cause of action of annulment in Lanao Del Sur, Maguindanao and Basilan.” (with reports from Bombo Jerald Ulep)