-- Advertisements --

Nagbabala si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senador Rodante Marcoleta sa kontratistang si Allan Quirante, may-ari ng QM Builders, matapos itong magbigay ng magkakasalungat na pahayag sa gitna ng imbestigasyon kaugnay ng P545 bilyong flood control projects ng pamahalaan.

Sa isinagawang pagdinig ng komite, kinuwestiyon si Quirante hinggil sa legal na katayuan ng kanyang kompaniya.

Una niyang iginiit na ang QM Builders ay isang sole proprietorship, ngunit hindi umano ito rehistrado bilang isang korporasyon, bagay na ikinagulat ng mga senador lalo’t kabilang ang kanyang construction firm sa mga nakakuha ng malalaking kontrata sa iba’t-ibang rehiyon.

Pero napangiti sa ilang pagkakataon ang negosyante habang hindi nito masagot ng diretso ang mga tanong ng mambabatas.

Doon na nairita ang committee chairman at sinita si Quirante.

“Meron akong hawak na martilyo dito, sinasabi ko sa ‘yo,” wika ni Marcoleta.

Kalaunan, tinulungan siya ni Sen. Ronald dela Rosa na mailahad ng maayos ang kaniyang mga sinasabi sa naturang hearing.

Bukod kay Quirante, pinuna rin ng komite ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagtanggap ng sole proprietorship bilang kontratista sa mga proyektong nangangailangan ng mas malawak na kapasidad at accountability.

Ang imbestigasyon ay bunsod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 20% ng flood control budget ay napunta lamang sa 15 kontratista, na nagdulot ng pangamba sa posibleng katiwalian sa implementasyon ng mga proyekto.

Target ng pagdinig ng Senado na tukuyin ang mga pananagutan at masiguro ang wastong paggamit ng pondo ng bayan.