Hinimok ng mga senador ang Department of Health (DoH) na isapubliko ang lahat ng mahalagang impormasyon hinggil sa COVID vaccine na gagamitin ng ating bansa.

Sa pag-aaral kasi ng mga eksperto sa Michigan sa Estados Unidos, lumalabas na malaking bilang ng mga Filipino ang hindi qualified sa bakuna.

Kabilang sa mga hindi maaaring bigyan ng vaccine ang mga buntis, na ayon sa Population Commission (POPCOM) ay aabot sa dalawang milyon ngayong panahon ng quarantine.

Bawal ding bakunahan ang malalakas uminom ng alak, malakas manigarilyo, sumailalim sa organ transplant at iba pang may umiiral na sakit.

Kaya tanong tuloy ni Senate committee on local government chairman Sen. Francis Tolentino, paano ngayon gagabayan ng gobyerno ang nasa 20 million mahigit na mga Pinoy na hindi kwalipikado sa bakuna.

Tugon ni Health Sec. Francisco Duque III, tama ang pag-aaral ng mga experto sa Michigan at kukunin nila ang tulong ng mga lokal na gobyerno para alamin ang record ng mga pasok lamang sa pamantayan ng pagbabakuna.

Normal din aniya na ang mga bakuna ay mas epektibo para sa ilang age bracket at ilang klase ng tao, habang hindi naman ito angkop sa ibang grupo ng tao.

Para naman kay Sen. Risa Hontiveros, dapat maging maingat ang gobyerno sa pagsasagawa ng vaccination para matiyak na ligtas ang ating mga kababayan.