Dumarami pa ang mga bansa na nagkondena sa tila pag-angkin na ni Russian President Vladimir Putin sa dalawang breakaway region ng Ukraine, ang Donetsk at Luhansk.
Ilan sa mga bansa na naglabas agad ng kanilang pagkondina ay ang United Kingdom, Germany at France.
Ayon sa nasabing mga bansa na ang hakbang na ito ni Putin ay isang paglabag sa International Law at isang malaking hamon sa diplomatic effort para sa mapayapang pag-aayos at political solution sa kasalukuyang kaguluhan.
Hinikayat nila ang Russia na bawiin ang naging desisyon nito.
Magugunitang inanunsiyo ni Putin na matagal na niyang pinag-isipan na killalanin bilang bahagi nila ang nasabing breakaway region ng Ukraine.
Matapos ang naganap na anunsiyo na ito ni Putin ay nagdiwang ang mga tao sa Donetsk at Luhansk kung saan nagsilabasan sila sa kanilang bahay at nagsindi pa ng fireworks.
Sa panig naman ng US ay agad na tinawagan ni US President Joe Biden si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy at tiniyak nito na nasa likod pa rin nila ang Amerika at mga kaalyadong bansa.
Nagbigay din ng update si Biden sa Ukrainian President na kanilang inaayos na ang sanctions na ipapataw sa Russia.