-- Advertisements --

Suportado ng Management Association of the Philippines (MAP) ang desisyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na malawakang pagbabago sa kaniyang Gabinete.

Sa opisyal na statement na inilabas ng grupo, nakasaad dito ang kanilang pagsuporta sa naturang hakbang, kasabay ng paggigiit na ito ay karaniwang ginagawa ng mga chief executive officer sa private sector upang mapagbuti pa lalo ang organizational performance.

Giit ng grupo, kailangan ng isang CEO na gumawa ng mga mahihirap na desisyon tulad ng pagpapalit ng mga talentadong tauhan para lamang mapagbuti ang performance ng kaniyang organisasyon.

Gaano man ito kahirap, kailangan umano itong gawin ng liderato upang himukin din ang mga personnel na pagbutihin ang kani-kanilang performance.

Umaasa naman ang grupo na kinalaunan ay magtatalaga si Pang. Marcos ng mga indibidwal na may kapabilidad na gawin ang plano ng gobiyerno para lalo pang gumanda ang buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng kapaki-pakinabang na government output.

Nitong gabi ng Miyerkules nang hilingin ni PBBM sa mga miyembro ng kaniyang gabinete na magsumite na ng kanilang courtesy resignation.

Kahapon ay sunod-sunod ding naghain ng resignation ang mga top officials, kasabay ng pagigiit ng kanilang kagustuhang sundin ang kautusan ni PBBM.