-- Advertisements --

Naghain ng not guilty plea ang Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 15 para sa isa pang kasong murder laban kay dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr.

Ito ay may kaugnayan sa kaso ng pagpatay sa dating board member ng ikatlong distrito sa lalawigan ng Negros Oriental na si Michael Dungog.

Ang hakbang na ito ng korte ay dahil sa pagtanggi ni Teves na maghain ng plea sa isinagawang arraignment ng kanyang kaso.

Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Teves, kinukwestyon parin ng kanilang kampo ang paraan ng pagpapabalik ng gobyerno ng Pilipinas kay Teves mula sa Timor Leste.

Si Teves ay una nang hindi naghain ng plea para sa kanyang kaso na may kinalaman sa illegal possession of firearms at illegal possession of explosives at sa kaso ng pagpatay sa noo’y Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pang mga nadamay sa pamamaril.

Hindi rin ito naghain ng kanyang posisyon para sa kaso ng terrorism financing sa QC RTC branch 77.