-- Advertisements --

Umapela si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na agarang ikonsidera ang pagkansela o kaya naman ay ang pagpapatupad ng re-pricing sa tinatayang ₱1.6 trilyong halaga ng mga proyekto na kasalukuyang nakabinbin o isinasagawa.

Ang panawagang ito ni Rep. Leviste ay nag-ugat sa kamakailang pagkansela ng DPWH Region IV-A sa isang proyekto na nagkakahalaga ng ₱95.99 milyon, na nakalaan para sa flood control sa bayan ng Lemery, Batangas.

Ayon kay Rep. Leviste, mayroon mga probisyon sa batas na maaaring gamitin ang DPWH upang ihinto ang mga proyektong pinaghihinalaang hindi makatuwiran o hindi naaayon sa tamang proseso.

Partikular niyang binanggit ang probisyon ng Termination for Convenience o kaya naman ay ang Termination for Unlawful Acts, na nakasaad sa ilalim ng Republic Act 9184 o ang Government Procurement Reform Act.

Sa pamamagitan ng mga probisyong ito, maaaring legal na wakasan ng DPWH ang mga kontrata para sa mga proyekto kung mapapatunayang mayroong sapat na dahilan, tulad ng mga iregularidad o paglabag sa batas.