-- Advertisements --

Nanawagan si House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima sa Judicial and Bar Council (JBC) at kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na madaliin ang proseso ng pagpili at pagtatalaga ng susunod na Ombudsman ng bansa.

Ang panawagan ni De Lima ay nag-ugat matapos irekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman ang paghahain ng mga kasong kriminal at administratibo laban kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co at sa 17 iba pang indibidwal na sangkot sa umano’y anomalya sa ₱290-milyong halaga ng flood control project sa lalawigan ng Oriental Mindoro.

Binigyang-diin ni De Lima na dahil sa lawak ng sabwatan at sa malaking bilang ng mga mambabatas at mga opisyal ng gobyerno na maaaring sangkot sa mga kwestyunableng flood control projects, napakahalaga na magkaroon ng isang regular na Ombudsman.

Dagdag pa rito, binanggit niya na posibleng magrekomenda pa ang ICI ng karagdagang mga kaso habang patuloy ang kanilang imbestigasyon.

Binigyang diin ng mambabatas na bilang Tanodbayan ng bayan, mahalagang tungkulin ng Ombudsman na kumilos nang mabilis, seryoso, at patas sa pag-usig ng mga kasong may kinalaman sa katiwalian.

Ito ay upang mapanagot ang sinumang opisyal ng pamahalaan na mapapatunayang nagkasala, at upang mapanatili ang integridad at tiwala ng publiko sa pamahalaan.