-- Advertisements --

Nakabalik na sa kani-kanilang tahanan ang malaking porsyento ng mga inilikas dahil sa banta ng bulkang Kanlaon, kasunod ng tuluyang pagbaba ng alerto sa naturang bulkan.

Sa kasalukuyan, tanging walong evacuation center na lamang ang nakabukas na tinutuluyan ng kabuuang 163 pamilya. Ito ay binubuo ng 593 katao

Ang mahigit 160 pamilya na kasalukuyang nasa loob ng mga center ay mula sa libo-libong pamilya na inilikas at kinailangang manatili sa mga naturang pasilidad sa nakalipas na walong buwan.

Kung ibabatay sa report ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), umabot sa mahigit 94,700 katao ang naapektuhan mula noong sumabog ang bulkan, Disyembre ng nakalipas na taon.

Ito ay katumbas ng halos 24,600 pamilya na kinailangang lumikas patungo sa mga evacuation center habang ang iba ay piniling makitira pansamantala sa kanilang mga kaanak at mga kakilala.

Nitong huling lingo ng Hulyo nang ibaba sa Alert Level 2 ang alerto sa naturang bulkan, daan upang tuluyang payagan ang pagabablik ng libo-libong pamilya sa kanilang iniwang tahanan.