Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na ang taumbayan ang may kapangyarihang humusga kung sino sa mga senador ang patas at kung sino ang may kinikilingan, sa gitna ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Tugon ito ng Palasyo matapos tanungin hinggil sa pahayag ng Bise Presidente na dapat umanong mag-inhibit mula sa paglilitis ang mga senador na umano’y bias laban sa kanya.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, makikita ng publiko sa mga kilos at desisyon ng mga senador kung ang kanilang mga aksyon ay naaayon sa batas at sa prinsipyo ng Rule of Law.
Hindi na rin pinatulan ng Malacañang ang personal na pananaw ni VP Sara hinggil sa naturang isyu
Giit pa ni Castro, dapat hayaan ang impeachment court na gampanan ang tungkulin nito, habang ang taumbayan naman ang magpapasya kung naging patas at makatarungan ang naging pagganap ng mga senator-judges.