-- Advertisements --

Inalmahan ng Malacañang ang naging pahayag ni Davao City Mayor Baste Duterte kung saan tinawag nitong sinungaling at weak si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasunod ng isyu sa usaping reconciliation at resulta ng midterm elections.

Ayon kay Palace Press Officer USec Claire Castro, hindi na nila ikinagulat ang naging banat ng alkalde dahil wala naman daw talaga itong sasabihing maganda tungkol kay Pangulong Marcos.

Ipinaliwanag ni Castro na iba ang kahulugan ng pagiging “open for reconciliation” kumpara sa “offer for reconciliation”.

Anya, bilang ama ng bansa, natural lamang na maging bukas ang Pangulo sa pakikipag-ayos sa sinumang may salungat na pananaw sa kanyang pamahalaan upang mapanatili ang katatagan ng gobyerno at matutukan ang kapakanan ng publiko.

Nilinaw rin ulit ni Castro na hindi lang nakatuon sa mga Duterte ang sinabi ng Pangulo na bukas itong makipagkasundo.

Sinabi pa ng Malacañang na posibleng hindi raw naintindihan ni Baste ang ibig sabihin ng Pangulo patungkol sa reconciliation o sadyang napapaligiran lang daw ang alkalde ng mga fake news peddlers.

Kaugnay naman sa banat ni Mayor Duterte na weak at mayabang ang Pangulo noong eleksyon, iginiit ng Palasyo na hindi maituturing na pagkatalo ang resulta ng midterm elections.

Bagaman hindi nakamit ang target na 12-0 sa senatorial slate, anim pa rin sa mga kandidato mula sa alyansa ng Pangulo ang nanalo.