Pambabatikos ang natanggap ngayon ng International Criminal Court (ICC) mula sa Palasyo ng Malakanyang matapos na hilingin ni ICC Prosecutor Karim Khan na muling buksan ang imbestigasyon hinggil sa mga pagpatay at iba pang hinihinalang pang-aabuso sa karapatang pantao na naganap noong kasagsagan ng war on drugs ni outgoing President Rodrigo Duterte.
Sa isang statement ay binigyang-diin ni acting Palace spokesman Martin Andanar na nagsagawa ng mga imbestigasyon ang administrasyong Duterte sa lahat ng pagkasawi na naglitawan mula nang ikasa ng pamahalaan ang mga operasyon nito laban sa iligal na droga at sinabi na hayaan ang mga pagsisikap na ito ng gobyerno na tugunan ang mga depekto sa naging kampanya nito laban sa iligal na droga.
Ipinahayag ito ni Andanar matapos na paratangan ni Prosecutor Khan ang kasalukuyang administrasyon na bigo itong ipakita na nag-imbestiga ito sa maraming mga kaso ng pagpatay sa mga naging operasyon nito na may kaugnayan sa kampanya kontra iligal na droga.
Iginiit ng tagapagsalita na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) ay nagsagawa ang administrasyon Duterte ng mga imbestigasyon sa madaming pagkamatay na naitala sa gitna ng matagumpay na war on drugs operations nito na nakitaan naman talaga ng ng malawakang pagbaba sa mga insidente ng krimen na nauugnay sa pag-abuso sa droga.
Aniya pa, ang kampanyang ito ay suportado rin ng United Nations sa tatlong taong technical cooperation program nito sa Pilipinas na kinilala naman bilang Joint Program on Human Rights na nagkabisa noong Hulyo 2021.
Samantala, nilinaw naman ni Andanar na hindi ipinahiwatig sa ulat ng Commission on Human Rights (CHR) na kinakailangan ng Pilipinas ng direct external investigation tungkol sa naturang usapin.
Inirekomenda kasi ng CHR sa mga international ogranization na patuloy na subaybayan ang human rights situation sa Pilipinas na siya namang naging batayan ng ICC para makialam sa bansa.
Magugunita na noong Nobyembre noong nakaraang taon ay sinuspinde ng ICC ang imbestigasyon nito sa bansa matapos na hilingin ito ng Maynila kung saan ay binanggit din na magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang mga opisyal ng Pilipinas ukol dito.