Tinitiyak ng Palasyo na sa mga darating na araw, inaasahang maaresto na ang mga kilalang personalidad na sangkot sa malawakang paglustay ng pondo ng bayan na dapat sana ay para sa mga proyekto ng flood control.
Ito ay kasunod ng naunang pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bago pa man sumapit ang Kapaskuhan, mayroon nang mga personalidad na sangkot sa malaking flood control scam ang makukulong, at kabilang na rito ang mga “big fish” o malalaking personalidad.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, inaasahan na magsasampa pa ng karagdagang mga kaso ang Ombudsman sa Sandiganbayan.
Ito ay kasunod ng mga naunang kasong isinampa noong nakaraang November 18 laban kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at labinlimang (15) iba pa.
Ang mga kasong ito ay may kaugnayan sa mga substandard na flood control project na isinagawa sa Oriental Mindoro.
Binigyang-diin ni Gomez na siyam na akusado na ang naaresto at dinala sa Sandiganbayan upang harapin ang kanilang mga kaso.
Samantala, si Zaldy Co at anim pang akusado ay nananatiling at large o hindi pa nahuhuli at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.
Gayunpaman, tiniyak ni Gomez na may mga karagdagang kaso pa na isasampa sa mga susunod na araw laban sa iba pang mga indibidwal na sangkot sa anomalya.
















