-- Advertisements --

Idinepensa ni Press Secretary Trixie Angeles ang naging byahe ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Singapore nitong weekend, kung saan namataan siyang nanonood ng Formula 1 Grand Prix, kasama ang anak nitong si Rep. Sandro at pinsan na si House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Angeles, naging produktibo ang pagdalaw sa Singpore ng Pangulo.

Doon umano ay pinagpatibay niya ang mga pangunahing usapan sa huling state visit noong nakaraang buwan.

“Naging produktibo ang pagdalaw sa Singpore ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. Pinagpatibay niya ang mga pangunahing usapan sa huling state visit sa bayan na ito, at pinatuloy ang paghihikayat sa pag invest sa bayang Pilipinas,” wika ni Sev. Angeles.

Sinamantala rin umano nito ang patuloy na paghihikayat sa paglalagak ng puhunan ng mga negosyante doon para dito sa ating bansa.

Maging ang isa sa mga abogadong nakokonsulta ni President Marcos na si Atty. Harry Roque ay ipinagtanggol din ang byahe ng chief executive.

Para sa kaniya, karapatang pantao ito ng punong ehekutibo, lalo’t weekend naman.

Ang mahalaga aniya ay hindi ito ginagawa sa oras ng trabaho at hindi rin naman nagwawaldas ng pampublikong pondo, dahil kaya naman ng presidente na gumastos ng personal para sa mga ganitong aktibidad.