Duterte SONA Bills

Hindi umano makikialam ang Malacañang sa usapin ng term-sharing sa Kamara.

Kasunod ito ng ilang lumulutang na paramdam mula sa ilang mga kongresistang nagsasabing pwedeng manatiling House Speaker si Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano kung magtuloy-tuloy ang magandang performance sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, bahala na ang mga miyembro ng Kamara na magdesisyon sa kanilang usapin ng liderato.

Ayon kay Sec. Panelo, walang magagawa ang Malacañang, sundin man o hindi ng mga kongresista ang term-sharing agreement sa pagitan nina Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Magugunitang mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagpanukala noon sa term-sharing agreement sa pagitan nina Cayetano at Velasco dahil parehong naghahangad ang mga ito na mamuno sa Kamara.

Sa ilalim ng nabuong kasunduan, 15 buwang uupo bilang House Speaker si Cayetano at susundan siya ni Velasco na magtutuloy sa posisyon sa loob naman ng 21 buwan.