Mariing itinanggi ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ang akusasyon ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co kaugnay sa P50.9 billion budget insertion na kaniya umanong inutos sa dating appropriations panel chairman.
Sa isang pahayag sinabi ni Majority Leader Marcos na ang alegasyon ni Co ay puno ng kasinungalingan na aniya’y naglalabas ng mga video mula sa abroad upang lituhin ang publiko at guluhin ang pamahalaan.
Sinabi nito na hindi rebelasyon kundi isang destabilisasyon ang ginawa ni Co.
Ayon kay Marcos, walang kredibilidad si Co at may personal na interes ito sa pagpapalabas ng mga akusasyon na layong magdulot ng political instability.
Sinabi ng Kongresista na kilala umano ng publiko si Co bilang “arkitekto ng gulo” at “iniinsulto ang talino ng taumbayan” sa pagsasabing wala itong nakuhang benepisyo mula sa kontrobersya.
Dagdag pa ng Majority Leader, ginagawa umano ni Co ang pag-atake sa administrasyon upang makaiwas sa sariling kinahaharap na kaso.
Inihayag ni Marcos na may intel report na nagpapakitang nakipag-ayos na si Co sa mga grupong makikinabang kung magkakaroon ng pagbabago sa pamahalaan.
Binigyang-diin ni Marcos na collegial body ang Kongreso at ang pag-alis kay Co bilang appropriations committee chair ay desisyon ng mayorya, matapos umanong mabunyag ang “kasakiman at katiwalian” nito.
Aniya, malinaw umano ang mga iregularidad na iniuugnay kay Co sa ilang distrito, kabilang ang Bulacan.
Giit ng house leader na si Co ay hindi journalist at hindi dapat ituring na tagapagtanggol ng katotohanan.
Ayon kay Marcos si Co ay isang kriminal na umiiwas sa hustisya kaya huwag magpabudol sa kaniyang mga sinasabi.
Sa kabilang dako, hinamon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr si Co na umuwi ng bansa at harapin ang mga kaso laban sa kaniya at huwag sa online iparating ang kaniyang mga akusasyon.















