-- Advertisements --

KALIBO Aklan — Umabot sa 817 na paaralan sa buong rehiyon ng Western Visayas ang nagsilbing evacuation centers para sa mga residenteng naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Tino, ayon sa ulat ng Department of Education (DepEd) Region 6.

Sa inisyal na datos ng DepEd region VI na inilabas ni Hernani Escular Jr., tagapagsalita ng ahensya, naitala ang paggamit ng 3,944 classrooms, 185 ancillary rooms, at 41 covered gyms bilang pansamantalang tuluyan ng mga evacuees.

Batay naman sa field data ng ahensya, umabot sa 18,359 na mag-aaral at 634 personnel ang napilitang lumikas sa mga nasabing evacuation centers.

Samantala, patuloy pang sinusuri ng DepEd ang lawak ng pinsalang idinulot ng bagyo sa mga paaralan.

Aniya, 20 silid-aralan ang may minor damage, 7 ang may major damage, at 15 classrooms ang tuluyang nasira. Ang nasabing bilang ay patuloy pang iniimbestigahan ng DepEd 6 para sa kaukulang aksyon.

Naitala rin ang pagkasira ng 275 learning materials at 4 na computer o IT equipment.

Dagdag pa ni Escullar, nakadepende na sa mga lokal na pamahalaan kung kailan ituturing na ligtas ang mga lugar upang maibalik ang face-to-face classes sa mga apektadong paaralan.