NAGA CITY – Bagama’t nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, mahigit P1 million na halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nasabat ng mga otoridad sa lungsod ng Lucena.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na ipinasailalim sa buybust operation ang mga suspek na sina Joel Patron Ursolino at Edgar Lequigan Gentica kung saan narekober sa mga ito ang mahigit P400,000 na street value ng illegal drugs.
Maliban sa nasabing mga suspek, dalawang iba pa ang naaresto sa Brgy. Kanlurang Mayao kung saan mahigit sa P600,000 halaga ng pinaniniwalaang shabu rin ang nakumpiska.
Sa kabuuan, umabot sa mahigit P1 million ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpika na ngayon ay nasa pangangalaga na ng Quezon Provincial Crime Laboratory Office para sa drug testing at laboratory examination habang hinahanda na ang kasong isasampa sa mga naarestong suspek.