Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang special permits para sa kabuuang 829 units ng public utility vehicles (PUVs) para sa inaasahang pagbuhos ng mga pasaherong magsisiuwian at magtutungo sa mga polling precincts para bumoto sa araw ng halalan sa Lunes, Mayo 12.
Ayon kay LTFRB Chair Teofilo Guadiz III, mula sa 880 aplikasyon para sa special permits, 829 dito ang inaprubahan.
Ang naturang special permits naman ay valid mula kahapon, Mayo 9 hanggang sa Mayo 18 ng kasalukuyang taon.
Paliwanag ng LTFRB chief na sa pamamagitan ng pag-isyu ng special permits sa nasabing PUV units maaaring pumasada ang mga pampublikong sasakyan sa mga ruta maliban pa sa kanilang awtorisadong mga ruta para maserbisyuhan ang mas marami pang mananakay sa araw ng halalan.
Inaasahan kasi aniya na mas maraming mga magtutungo sa kani-kanilang mga polling precincts para bumoto kayat binuksan ang aplikasyon para sa special permits.