-- Advertisements --

Kabilang ang nasa 841 paaralan sa pilot run ng nirebisang Senior High School (SHS) curriculum na sisimulan sa darating na school year 2025-2026.

Sa briefing sa House Committee on Basic Education and Culture, ipinaliwanag ni Department of Education Undersecretary Wilfredo Cabral na nasa 727 paaralan ang inisyal na inilista na “highly ready” ng maisama sa trial o pilot run ng mas pinalakas pang programa para sa mga estudyante sa Grade 11 at 12.

Subalit nagpasya ang central office na isama ang mga pribadong paaralan at rural schools na inuri bilang “moderately ready” kayat sumatotal nasa 841 eskwelahan ang kabilang sa partial list.

Ito ay katumbas ng 6.60% ng mahigit 12,000 ng paaralan ng SHS sa buong bansa.

Nasa 580 dito ay pampublikong paaralan habang 261 naman ang mga pribadong paaralan.

Sa oras na magsimula ang pilot run ng nirepasong curriculum, masusing susubaybayan ito ng DepEd.

Isa nga sa mahalagang features ng bagong curriculum ay ang pagbawas ng core subjects mula sa 15 na iniaalok kada semester sa lima na lamang para sa buong taon sa Grade 11.

Ang limang bagong asignatura ay ang Effective Communication (Mabisang Komunikasyon), Life Skills, General Mathematics, General Science, at Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino

Nakatakdang magbukas ang SY 2025-2026 sa Hunyo 16, 2025 at magtatapos sa Marso 31 ng susunod na taon.