Sinimulan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagde-deploy ng first batch ng nasa mahigit 7.5M na mga balota para sa National Capital Region (NCR). Ang kasama sa mga first batch ay ang Caloocan, Pasig, Marikina, Valenzuela, Quezon City, Malabon, Navotas at San Juan. May susunod pang mga batch ng balota na ipapadala bukas.
Pinangunahan ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia ang pagdedeploy ng mga balota. Hinimok niya rin ang kandidato, interest at citizens group na i-witness ang pagtatanggap ng mga balota sa kani-kanilang mga lugar. Kaugnay pa nito, makikita rin na sinelyuhan ang mismong truck na pinaglagyan ng mga balota para matiyak ang seguridad ng mga ito.
“Ngayong araw na ito, sisimulan na natin ang huling shipment, delivery ng mga balota sa NCR ito mangyayari..ibig-sabihin yung ibang rehiyon ay na-distribute na din, nasa mga treasurer’s office na ng sitio at siyudad..” pahayag ni COMELEC Chairman Garcia.
Ang lahat ng mga balota ay posibleng makuha ng mga Electoral Board Members sa linggo o kahit madaling araw ng Lunes sa mga Treasurer’s Office. Pagtitiyak ni Garcia na hindi naman ito makakaapekto dahil malalapit lamang ang mga presinto.
Kaugnay pa nito, inanunsiyo rin ni Garcia na natanggap na rin ng iba’t ibang lugar ang mga balota pati na rin ang iba pang election paraphernalia. Aniya, wala namang naging problema sa mga naging deployment para sa ngayong eleksyon.
“So far po, pansin niyo walang untoward incident. Wala po tayong naging problema deployment, hindi lamang ng mga balota kung hindi yung iba pang election paraphernalia katulad ng mga ACMs, baterya at iba pang gamit.” dagdag ni COMELEC Chairman Garcia.