Umabot na sa 5,239 na mga residente sa Bulacan ang kasalukuyang nananatili ngayon sa mga evacuation centers nang dahil sa naging pananalasa ng bagyong Karding.
Sa ulat ni Provincial Social Welfare and Development Office head Rowena Tiongson, sa ngayon ay nasa kabuuang 1,571 na mga pamilya, kabilang na ang nasa 1,447 na mga bata, at 231 na mga senior citizen mula sa iba’t-ibang panig ng lalawigan ang kasalukuyang nananatili sa 117 na mga evacuation center sa lugar.
Sa isang pahayag naman ay sinabi ni Bulacan Gov. Daniel Fernando na hindi muna nila pababalikin ang mga evacuees sa kanilang mga tahanan hangga’t hindi pa aniya humuhupa ang tubig sa kanilang lugar.
Plano rin daw niyang personal na bisitahin ang mga ito ngunit uunahin aniya nila ang mga indibidwal na lubhang naapektuhan ng naging pananalasa ng nasabing bagyo.
Samantala, tiniyak naman ni Fernando na tutulungan nila ang lahat ng mga nasalanta ng kalamidad.
Sa datos, karamihan sa mga evacuees ay mula sa district ng Bulacan na kinabibilangan ng walong mga barangay na lubhang napinsala ni “Karding.”
Sinasabing nasa kabuuang 109 barangays ang nalubog sa tatlo hanggang 10 talampakan na tubig baha sa buong Bulacan dahil pa rin sa hagupit super typhoon.