Umabot na sa 227 heavy equipment ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nakadeploy sa iba’t-ibang lugar na labis na apektado ng mga magkakasunod na kalamidad.
Ayon sa ahensiya, ang mga ito ay nasa strategic location upang kaagad makapagsagawa ng clearing operations sa mga kalsada at pangunahing tulay na inaabot ng pagbaha, gumuho, o natabunan ng malalaking tipak ng lupa, bato, at mga kahot.
Kabuuang 1,500 DPWH personnel din ang nakadeploy para sa mga serye ng assessment at clearing operations.
Ayon sa ahensiya, pangunahin nakatutok ang mga Disaster and Incident Management Team sa iba’t-ibang Regional at District Engineering Office sa Luzon dahil sa matinding epekto sa Hilagang Luzon mula pa noong pumasok ang bagyong Crising.
Ang mga naturang team ang nagsasagawa ng on-ground operations para magpatupad ng immediate response measures sa mga apektadong public infrastructure.
Hanggang sa kasalukuyan, 11 national road section ang isinara sa trapiko. Tig-apat mula sa Central Luzon at Ilocos Region, dalawa sa Calabarzon, at isa sa Cordillera Administrative Region.
Umabot na rin sa 35 national road section ang may limitadong access dahil sa magkakasunod na kalamidad. Pinakamarami dito ay mula sa Calabarzon Region na umaabot sa 16 road sections.