Umaabot sa mahigit P11 million ang halaga ng pinsala sa corals bunsod ng parachute anchor na inabandona ng Chinese maritime militia (CMM) vessel malapit sa Pag-asa Island noong Hunyo 7, ayon sa mga Pilipinong siyentista na nagsagawa ng environmental assessment sa lugar.
Pinangangambahan naman na magdudulot pa ito ng mas maraming pinsala maliban na lamang kung ma-retrieve ito sa lalong madaling panahon.
Ayon sa biologist na si Mark dela Cruz, nakakita sila ng indikasyon ng pinsala gaya ng mga durog-durog na fragments ng mga sanga ng corals at piraso ng bahagi ng maraming corals.
Nauna ng kinumpirma ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) na habang naglalayag ang CMM vessel sumadsad ito sa loob ng tatlong oras noong Hunyo 7 na may layong mahigit dalawang kilometro mula sa Pag-asa Island bago nito nagawang makaalis mula sa pagkakasadsad.
Ineskortan ito ng barko ng China Coast Guard at dalawang iba pang mga barko ng China.
Bagamat hindi direktang nakaapekto ang pagsadsad ng barko sa coral reefs sa lugar, ayon kay Dela Cruz, na tumatayong PCSD habitat management section chief, ang inabandonang parachute anchor ng Chinese fishing vessel sa seabed na siyam na metrong lalim ay nakapinsala sa 464.96 square meters ng coral reefs.
Ang bawat coral reef ay nagkakahalaga ng P12,000 kada square meter habang karagdagang P12,000 ang kailangan para muling buhayin ang kada square meter nito.
Kaugnay nito, inirekomenda ng konseho ang pagkolekta ng multa mula sa naturang Chinese vessel sa ilalim ng Philippine Fisheries Code of 1998 at Wildlife Resource Conservation and Protection Act.