-- Advertisements --

Mahigit isang milyong Grade 11 students sa buong bansa ang nahihirapang unawain ang kanilang binabasa, ayon sa report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).

Napag-alaman na lumabas sa isinagawang Senior High School literacy assessment ng Department of Education (DepEd) noong Marso 2026 na 1.3 milyon sa 1.4 milyong Grade 11 students ang may problema sa reading comprehension.

Ayon kay Simoun Antonio Salinas ng EDCOM 2, tanging 12% lamang ng mga mag-aaral sa Grade 11 ang maituturing na “independent learners” o ‘yung mga kayang lubos na umunawa sa kanilang binabasa.

Sa naturang bilang, halos anim sa bawat sampung estudyante ang nasa “frustration level,” ang pinakamababang antas ng literacy kung saan halos hindi na nila nauunawaan ang binabasa.

Samantala, halos tatlo sa bawat sampung mag-aaral naman ang nasa “instructional level,” na nangangailangan pa ng gabay mula sa guro upang maunawaan ang teksto ng kanilang binabasa.

Sinisi naman ng ACT Teachers Party-list ang umano’y sistematikong problema sa educational system, partikular ang polisiya ng mass promotion sa mga estudyante.

Dagdag pa niya, tila umano may pressure sa iba’t ibang antas ng sistema upang maipasa ang mga estudyante kahit hindi pa handa.

Hindi lamang Grade 11 students ang apektado ng problema. Ayon pa sa EDCOM 2, nasa 40% ng mga mag-aaral sa lahat ng grade levels ang hirap pa rin sa reading comprehension.

Samantala, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na tututukan ng DepEd ang pagpapalakas ng teacher training upang mas mapaigting ang pag-unawa ng mga estudyante at hindi lamang sa memorization.