Inihayag ni Atty. Michael Poa sa ika-dalawampu’t isang araw ng Impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa pagtatanong ni Senator-judge Erwin Tulfo na sa Government Service Insurance System (GSIS) siya unang nag-apply noong 2022 na may nakalaang tungkuling asikasuhin ang mga loan concern ng mga guro.
Dito niya umano unang nakilala si Duterte na noon ay naninilbihan na bilang Vice President ng bansa at Secretary ng Department of Education, parehong taon kung saan itinalaga umano siya ng bise bilang spokesperson nito.
Ayon kay Poa, nag-atubili siya noong una dahil malayo umano ito sa inaasahan niyang trabaho, ngunit tinanggap niya pa rin ang posisyong ipinagkaloob sa kanya ng bise presidente.
Samantala, nang usisain ni Senator-judge Tulfo ukol naman sa mga kontrobersyal at fictitious na pangalang lumabas na umano’y nakatanggap ng pera mula sa confidential funds, iginiit ni Poa na wala siyang personal na kaalaman sa mga ito dahil sa mahigpit na confidentiality policy.
Gayunman, ipinaliwanag ni Poa na lumapit siya kay dating Department of Education (DepEd) Special Disbursing Officer Edward Fajarda upang hilinging makita ang accomplishment report bilang batayan sa isusumiteng tugon sa Audit Observation Memorandum (AOM) ng Commission on Audit (COA). Ipinakita aniya sa kanya ang isang pahina ng report kung saan wala siyang nakitang anumang kaduda-duda.
Binigyang-diin naman ni Poa na kung nalaman niya nang maaga ang tungkol sa mga kontrobersyal na pangalan, bagama’t wala aniya siyang military background ay uusisain niya kung pinapayagan ba ang ganoong senaryo bago pa man siya magsumite ng opisyal na tugon sa Commission on Audit (COA).
















